CODE RED
Ni Buboy Aguay
Simbigat ng bitbit kong laptop ang bigat ng aking
ulo ngayon habang sakay ng jeep pauwi ng
Concepcion Grande. Maraming hindi natapos na
usapin ngayon na dapat ay matagal nang
naikonsidera ng aking mga abogado. Ito ang
dahilan kung bakit hindi ako matuloy- tuloy sa
plano kong umalis ng Bikol at subukan ang city
life. Nais kong ibenta ang kalahating bahagi ng
island na minana ko sa namaalam na huling
kamag-anak. May buyer na. Mahigit 200 million
pesos. Malaking pera. Malaking problema.
Nais kong makawala sa maraming usapin. Kaya medyo
narindi ako nang sa gawing kaliwa ko ay may
tatlong maiingay na babae na hindi magkamayaw sa
pagpapalitan ng kuro hinggil sa 4Ps na programa
ni Pangulong Noynoy. Sa kanan naman ay nag-aaway
ang isang tibo at isang babae. Ibinaling ko ang
mata sa unahan. Hindi ko naibigan ang simoy ng
hangin. Ipinihit ko ang ulo sa hulihan. May
dalawang motorsiklong lumitaw sa frame ng aking
paningin. Humaginit ang mga ito. Nakipaggitgitan
sa jeep. Mabilis na sinundan ko ng tingin sa
unahan. Biglang preno ang driver ng jeep. Tila
may sumabog o pumutok. Sigawan ang mga pasahero.
May nagpasirko-sirko ang motorsiklo sa unahan.
Tumilapon ang dalawang sakay. Nagkagulo ang mga
tao. Babaan kami sa jeep. Ang pinakaunang pumasok
sa isip ko ay tumalilis sa lugar. Ayokong
makakita ng dugo.
Mabilis akong lumusot sa mga tao patungo sa
unahan ng aksidente. Sigurado, kung sa likuran
ako aabang ng masasakyan ay maiipit ito ng
trapik. Nasa ganoon akong pagkukundisyon ng isip
nang biglang tumayo ang isa sa mga sakay ng
motorsiklo. Pasuray-suray itong napatayo at pilit
na kinakalas ang helmet na suot. Sigawan ang mga
tao nang maalis nito ang helmet at sumirit ang
dugo mula sa ulo ng lalaki. Biglang nagkalkula
ang utak ko sa mga nakapalibot na tao. Naghanap
ako ng maaring makatulong. Pawang usyusero ang
naroon. Walang inisyatiba.
Hindi ko gaanong naunawaan ang nangyari. Biglang
umikot ang aking paningin pagkakita ko sa
lalaking literal na naliligo sa sariling dugo
mula sa sugat nito sa ulo. Nawala ang ingay ng
mga sasakyan at ang sigawan ng mga tao. Bumilis
ang tibok ng puso ko at sumabay iyon sa mabilis
na kilos ng lahat. Namalayan ko na lamang na nasa
harap na ako ng lalaki. Hinablot niya ang aking
t-shirt at umusal ng mga kataga na ako lamang ang
makakaunawa.
Hinablot ko ang towelet sa likuran ng bulsa nito
at agad na itinapal sa sugat nito sa ulo. Mabilis
na nabasa ng dugo ang twalya. Doon nawalan ng
ulirat ang lalaki. Nasalo ko ito bago bumagsak.
Tiyempo, may pulis na nakamotorsiklo ang biglang
dumating sa lugar ng aksidente.
Bigla kong binuhat ang lalaki. Mabilis kong
itinakbo patungo sa pulis. Akmang bababa pa sana
ang pulis ngunit nabasa niya ang laman ng utak
ko. Iniangkas ko ito sa gitna at mabilis na
pinaharurot ng pulis ang sasakyan.
“Mas malapit ang St. John Hospital,” wika ng
pulis.
“Sa klase ng sugat nito, kakailangananin niya ang
kumplikadong life support system,”sabi ko.
Biglang kumambyo ang pulis. Alam ko, patungo
kaming Mo. Seton Hospital.
Inilabas ko ang cp sa gitna ng paghihinimbang sa
bagsak nang katawan ng lalaki. Kinontak ko si
Mitch na head nurse sa ospital na iyon.
“Hi, Miguel, napatawag ka?”
“Code red.”
Biglang nawala ang lambing sa boses ni Mitch.
“Ikaw? Iba?”
“Iba.”
“Doktor ang kailangan mong makausap. Tamang-tama,
narito si Dr. Sadsad.”
Si Dr. Adrian Sadsad ay kaibigan naming doktor.
Napakaseryosong tao.
“In 5 minutes nasa ospital na kami,” sabi ko
kaagad nang ilipat ni Mitch ang phone kay Adrian.
“Ano ang kundisyon ng pasyente?” Si Adrian.
“Limang minuto na ang nakakalipas nang magpass
out siya. Motorbike accident. Mukhang na hit pa
ng dalawa pang vehicles. Nakahelmet pero may
sugat sa ulo. May nakatapal na towel sa sugat
pero hindi sapat. Patuloy na nilalagyan ng
presure kaso motorsiklo rin ang sasakyan namin.
Hindi mapermanente ang pressure na inilalapat sa
sugat.”
“Kilala mo ba ang pasyente, Miguel?”
Hindi ako kumibo.
Hindi niya inulit ang tanong.
Parang isang iglap lang ang mga pangyayari. Agad
na ipinasok sa emergency room ang pasyente. Ako
naman ay nagbigay ng statement sa pulis. Kakaiba
ang kilos ng pulis. Maya-maya ay napansin ko na
lamang ang sarili ko sa waiting area sa labas ng
emergency room. Punong-puno rin ako ng dugo at
hindi pa rin ako makapaniwalang kanina’y sinabi
ko sa sariling ayaw kong makakita ng dugo.
Mabilis na kinokontra ng isip ko na pagsisihan
ang ginawa kong pagtulong doon sa tao lalo na
kapag bumabalik sa isip ko ang sinabi nito habang
hablot ang t-shirt ko.
Dalawang oras na siya sa operating room wala pa
ring lumalabas mula rito. Iniabot sa akin ni
Mitch ang ilang personal belongings ng pasyente
ngunit walang ibinigay na kundisyon ng pasyente.
Maya-maya ay may mga nagdatingang mga kabarkada
kasama ang isang naghihisterikal na matandang
babae na mula sa aking pandinig ay tiyahin ng
pasyente. Jourdan ang pangalan ng pasyente. Hindi
ko natandaan ang tawag sa tiyahin.
May lumabas na isang doktor mula sa operating
room. Sabik na nag-abang ng balita ang mga bagong
dating. Narinig kong hinahanap ng doktor ang
kamag-anak ng pasyente. Naisip ko big deal na
ito. Agad na itinuro ng isang kabarkada ang
tiyahin.
“Hindi po kayo. Iyon pong naghatid dito sa
pasyente.”
Pilit kong isiniksik ang sarili ko sa aking
sarili dahil wala naman akong makublihan.
Namataan ako ng doktor.
“Hindi ba ikaw iyong naghatid dito sa pasyente?”
Akmang lalapit ang doktor sa akin nang bigla ako
nagsalita.
“Hindi po ako kamag-anak ng pasyente.
Nagmagandang loob lamang po akong dalhin siya sa
ospital dahil nandoon ako sa pinangyarihan ng
aksidente.”
Hindi ako sigurado kung tama ang ang mga sinabi
ko pero sa buka ng unang bahagi ng mga sinabi ko
ay nais kong makaiwas sa kung ano pa mang malapit
na involvement sa mga pangyayari pero nang
mapansin kong tila nakakita ng anghel ang mga tao
matapos nilang pakinggan ang sinabi ko, doon ko
naramdaman na nagkamali ako dahil mukhang
inihulog ko ang sarili ko sa mas malalim pang
pakikisangkot.
Maagap ang doktor.
“Nais ko lamang papirmahan sa malapit na
kamag-anak ang mga papeles na ito na nagsasaad na
pumapayag kayong kabitan ng respirator ang
pasyente.”
“Ano yon? Para saan iyon? Hindi ko alam iyon.”
Mabilis na iwas ng tiyahin.
“Ang respirator po ang nagiging pansamantalang
hininga ng pasyente. Dumaan po siya sa maselang
operasyon at nasa mababang porsyento pa rin ang
kakayahan niyang magsurvive. Ang respirator ay
isa lamang sa mga medical gadgets na kailangang
ikabit sa kanya kung nais pa nating umasang muli
siyang magigising sa kabila ng damage sa kanyang
utak.”
“Diyos ko.”
“Kailangan po ninyong pirmahan ito dahil kayo ang
malapit na kamag-anak ng pasyente.”
“Ha?! Nangangahulugan ba iyan ng gastusin?”
“Five thousand per day ang respirator at maaring
humigit pa kapag may komplikasyon ang pasyente.”
“Diyos ko.” Nagsimulang magkwenta sa utak ang
matanda. “Kailangang hintayin natin ang mga
magulang niya at kapatid na nasa Maynila. Hindi
ninyo naitatanong, si Jourdan e…” May plano
sanang mag nostalgic short story telling ang
matanda sa doktor ngunit sumabad kaagad si dok.
“Kailangan po nating umaksyon nang mabilis kung
nais nating maisalba ang pasyente.”
“Wala akong kakayahang…”
Nakisabad na ako.
Maari po ba akong pumirma?”
“Ikaw ang nagdala sa kanya rito kaya kahit na
hindi ka kamag-anak ay may karapatan kang
i-authorize ang paggamit ng respirator sa
pasyente.”
Pinirmahan ko kaagad habang nakamasid ang lahat
sa nangyayari. Pagkaalis ng doktor ay para akong
pinutakti ng tanong. Sobrang appreciation ang
inani ko sa mga kabarkada ni Jourdan. Hindi ko
alam kung tamang pakinggan kong lahat ang mga
sinasabi nila pero talagang hindi lamang ako
makahanap ng excuse para makaalis na rin tutal
andito na ang kanyang tiyahin na maaaring
mag-asikaso.
Ipinakilala sa akin bigla ang girlfriend ni
Jourdan at sinabi ng kanyang tiyahin na
kailangang makilala rin ako ng mga magulang ni
Jourdan at mga kapatid nito.
“Kaya huwag ka munang aalis dahil natawagan na
ang mommy ni Jourdan pati ang kapatid nitong
doktor na nasa Amerika. Lilipad sila papuntang
Bikol sa pinakamalapit na flight schedule.”
Patay. Sa loob-loob ko, mukhang kailangan ko ng
makaisip ng magandang paraan upang
makatakas sa kinasangkutan kong ito.
“Mawalang galang na nga po. Pero hindi pa po ako
nakakauwi ng bahay at mag-aalas diyes na po ng
gabi. Hindi pa rin po ako nakapagpapalit ng
damit, punong-puno pa po ako ng dugo.
Nasa ganoon akong pagpapaliwanang nang lumabas
si Mitch, ang head nurse na kaibigan ko.
“Excuse me po sandali, kailangan ko po si Miguel
sa opisina.”
“Miguel? Miguel pala ang pangalan mo. Isa kang
hulog ng langit, Miguel.” Narinig kong sinabi ng
tiyahin habang hila-hila ako ni Mitch palayo sa
mob ng mga usyusera.
“Thanks friend.”
Tuloy-tuloy kami sa nurse station patungo sa
isang private room at itinulak ako sa loob ng
shower room.
“Rape ba ito. Alam mong hindi ako pumapatol sa
kaibigan.” Sabi ko.
“Ulol. Maglinis ka ng katawan.”
“Ayoko sa bahay na. Tuyo na rin naman ang mga
dugo. At alam ko wala kang extrang damit dito at
kung meron man, hindi mo ipapahiram sa akin dahil
magmumukhang mas bagay akong maging nurse kaysa
saiyo.”
“Promise. Merong damit na nakalaan saiyo.” Sabay
sara ng showeroom.
Wala akong magawa kundi sumunod. Naghubad na ako.
Nagulat na lamang ako nang biglang bumukas ang
door. Nakatuwad ako sa pinto.
“Ay, punyeta ka. Hindi ba pwedeng kumatok muna?”
sigaw ko.
“Bisita lang ang kumakatok. Ang maybahay ay
adelantada. Pag-aari niya ang lugar. Alam mo yan.
Alam ko yan. Dialogue iyan ng isa sa mga paborito
mong karakter sa sinulat mong nobela. O hayan ang
tuwalya bilisan mo at may isasalba kang buhay.”
Isinarang muli ang shower room.
“Bilisan mo riyan. Ten minutes.”
“Sobra to. 30 min.”
“8 minutes.”
“Fifteen.”
“Five minutes.”
“Siya. Siya, ten minutes.”
“Eksaktong ten minutes. Bubuksan ko ang shower
room.”
Ganoon namin ini-exercise ang pagiging
palengkera. Para na kaming magkapatid ni Mitch.
Bata pa kami nang planohin kong hindi mag-asawa.
Si Mitch naman kahit dati na siyang mataba (
bawal ang salitang obese sa usapan) nangarap
siyang maging seksing-seksi ang katawan, maging
beauty titlist at makapangasawa ng kanyang
dreamboy na knight and shining armor na prince
charming.
Mahigit 10 taon na ang nakalipas, hindi pa rin
siya pumapayat at bawal pa rin ang salitang obese
sa aming magkakaibigan. Hindi pa rin siya
nakapag-aasawa at ang tanging nanligaw sa kanya
ay ang patpating anak ng tsekwa na naging
konsorte niya sa Santacruzan na kaya nanalo si
pintsik eh hindi dahil sa sungal niyang ngipin
kundi sa umaapaw niyang pera sa money contest.
Mula noon ay plano naming hindi na mag-asawa at
nag-usap kami na siya ang bahala sa akin kapag
nagkaroon ako ng kahit na anong karamdaman, mula
sa kati o kagat ng langgam hanggang kanser at mga
aksidente. Koda namin ang code red. Pag binanggit
iyon sa text o call alam na kaagad ang ibig
sabihin–situation is between life and death.
Kaya kanina, sa loob ng ten minutes mula nang
kunin namin ng pulis si Jourdan sa accident
scene, naihanda kaagad ni Mitch ang lahat na
kailangan within… ten minutes.
Biglang bumukas ang shower room. “Ten minutes na!
Halos magkasabay naming nabanggit ang salitang
ten minutes…
“Hmp. Huwag mo ng itago iyan. Remember ako ang
nagtuli saiyo?”
“Shhh. Sobra ka naman.”
“Sssh sobra ka naman… sus, kunwari pa ito. Oo na.
ikaw na ang pamintang Totoy Mola…. O ayan ang
damit mo.”
“Hospital gown? Bakit? “
Hindi na kuumibo. Tinulungan na akong magbihis at
hawak hawak na naman niya ako.
“Psssst ikaw!” Inginuso doon sa nadaanang nurse.
“Iligpit mo nga ang kalat nito sa banyo. Ang
hindi na mapapakinabangan e sunugin.”
“Teka, ang laptop bag ko. O sige,pati ang laptop
bag niya itabi. Ang laptop sunugin.”
“Hoy!”
“Bilisan mo kasi.”
Tuloy-tuloy kami sa operating room. Narinig ko pa
ang sinabi ng tiyahin ni Jourdan na hanggang
ngayon ay hindi ko pa nakuha ang pangalan “ anong
nangyayari?”
Anong nangyayari, naulit ko sa sarili ko. Hindi
ko namalayan nabigkas ko pala iyon nang malakas.
Sinusuotan na ako ng kung anong mga bagay.
“Lubus-lubusin mo na ang pagtulong sa kanya.
Kailangan niya ng dugo mo. Type AB ka hindi ba.
Kanina na-exhaust na ng ospital ang maximum
amount na pwedeng gamitin sa emergency situation
ng need for Type AB blood. Ikaw na lang ang
pag-asa niya.”
Hindi ako nakakibo. Namalayan ko na lamang na
nakahiga na ako sa katabing hospital bed at
parang turok ng karayom ang nagpaagaw ng tensyon
ko mula sa nakita kong scenario sa operating
table. Nakabukas ang isang bahagi ng kanyang utak
.
Tama na ang patong-patong na pangyayari ngayong
araw na ito. Sinabayan ko ang unti-unting
paglipat ng dugo ko sa kanya ng isang malalim na
pagtulog.
Kinabukasan natagpuan ko ang sarili kong
nagi-scan ng mga reminders sa aking iPod at lahat
nang iyon ay nai-tag na rescheduled. Mabuti na
lamang pala at naging ugali kong isilid sa mga
plastic envelopes ang mga gamit ko kahit na ito
ay nasa loob na ng bag. Kung nagkataon, ay dagdag
pang problema kung nadupok ang mga papeles na
kailangang ayusin ng aking mga abogado.
Isang bulsa pa ng laptop bag ang hindi ko
nasisilip. Gayon na lamang ang gulat ko nang
makita sa loob nito ang isang wallet na natuyuan
na ng dugo, gusot na isang pahina ng isang
propaganda material hinggil sa anti-mining
campaign sa LaFayette. At isang kwintas na hindi
pa naiimbento ang pawnshop na maaaring
pagsanlaan. Inilatag niya ito sa desk. Naalala
ko, iniabot nga pala sa akin ito ni Mitch mula sa
operating room kahapon.
Ilang buntong hininga ang nakawala muna sa
dibdib ko bago ko nakumbinsi ang sariling hindi
naman masamang silipin ang laman ng pitaka ni
Jourdan.
Maraming ID ng estudyante sa pitaka ni Jourdan.
Iba-iba ang pangalan, iba-ibang eskwelahan, pero
iisa ang larawan. Loko-loko rin pala ito si
Jourdan. Naisip ko. May sandaang buo, singkwenta
at dalawang pirasong benteng papel ang pera sa
wallet niya. Hinahanap ko ang litrato ng
ipinakilalang girlfriend kahapon sa bunton pa ng
ilang tarheta at mga calling cards ngunit hindi
ko makita roon. May namataan akong isang lumang
litrato na black and white na may nakasulat sa
likod ng “I’ll be back to find you.” Nang
titingnan ko na ang flipside ng litrato, biglang
nagring ang cp. Si Mitch.
“Pangatlong beses ng nagconvulsion ang pasyente
mo in a span of 10 minutes. Dumating na ang
pamilya. Ipinadi-discharge siya ng head surgeon
ng ospital for further medical procedure sa ibang
ospital sa Maynila, PGH or St. Luke’s.”
“Kung nandiyan na ang pamilya, bakit mo pa ako
tinawagan?”
“Baka nais mong magpaalam bago siya mamatay. Isa
pa, isuli mo ang mga personal belongings niya na
nasa bag mo.”
“Pahamak ka talaga.”
“Better hurry. Baka hindi mo na siya datnan.”
Kabababa ko pa lamang ng phone nang may bumusina
sa harap ng bahay. Kotse ni Adrian ang nasa
labas. Sumilip ako sa bintana. Sumisigaw si
Adrian.
“ Come down. You got a life to catch.”
Nakadama ako ng sense of urgency sa mga narinig
ko. Hinagilap ko lang ang mga gamit ni Jourdan sa
ibabaw ng desk at mabilis na akong bumaba.
Nasalubong ko sa may gate ang live-out kong maid.
Pakli ko lamang na binanggit ang mga katagang.
“Dating gawi, Aling Zeny.”
Ang ibig sabihin noon, siya na muna ang bahala sa
pad ko.
Isang military helicopter ang nakalapag sa ground
ng ospital. Sabi ni Adrian, doon isasakay si
Jourdan para i-lift patungong St. Luke’s.
Ina-arrange ng kapatid na high ranking official
sa airforce ang sasakyan nito.
Papasok pa lamang ako sa suite kun saan inilipat
ang pasyente ay naramdaman ko na ang mga mata ng
mga bagong mukha. Tatlong kapatid ni Jourdan ang
nandoon. Si Marcus, ang doktor na sa Amerika
nagpa-practice, si Ernesto, ang opisyal ng
airforce, at si Aleli, isang abogada. Lahat iyan
ay mabilis lamang na ipinaliwanag ng kanyang
tiyahin na ngayon ko lamang natandaan ang
pangalan. Luz. Bigla akong nagmental note. Luz.
Ilaw. Liwanag. Lucifer. Ewan.
Kakabungad ko pa lamang ng pinto nang makita ako
ng mama ni Jourdan. Iniangat nito ang dalawang
brasong tila naghihintay na dampian ng mga kamay
ko rin. Para akong nabato-balani. Nangilid ang
luha ng matanda. Pumatak ito ng sumayad ang aking
mga palad sa mga palad niya. Hinablot ng matanda
ang mga palad ko at pinisil ito ng mahigpit.
Sapat na iyon. At ang mga katagang “Salamat,
salamat” ay kalabisan na.
Dumating ang isang patrol car na puno ng military
officer. Agad na pumusisyon ang apat na militar
sa pinto ng silid ni Jourdan. Pumasok ang dalawa.
Pumusisyong tila gagwardiya sa mismong kama
nito. At nangyari ang lahat nang itong tila isang
kidlat. May isang military officer ang may hawak
ng papeles at ipinapakita ito sa head ng
ospital.
“Anong kaguluhan ito? Anong nangyayari Ernesto?”
ang mama nila.
“Lumabas nga kayo ng silid na ito.” Sigaw ng
babaing abogado. Sinisigawan nito ang dalawang
military na pumusisyon sa kama ni Jourdan.
‘Sumusunod lamang po kami sa utos.” Sagot ng
isang militar.
“If something bad happen to our patient, I’ll
make sure you’ll go to jail, you bastards!” wika
naman ng doktor. Mabilis na kumilos si Ernesto,
tumawag ito sa cell phone habang kinakausap kung
ano ang pangalan ng opisyal na may hawak ng
papeles na ipinapakita sa head ng ospital.
“We’re just following orders.” paliwanag ng
officer.
“This must be a mistake.” Naghihisterikal na ang
mama ni Jourdan. “Can’t you see my son is in
coma. What happens with humanity!? So much with
humanity… Nauwi ito sa mga hikbi.
Parehas kami ni Tita Luz. Nakatulos na parang
poste. Hindi pa naiibaba ni Ernesto ang telepono
ay nagring na ang telepono ng military officer.
Pinagmamasdan lamang ni Ernesto ang ekspresyon ng
mukha ng opisyal, lahat ‘yes general’ ang sinabi
nito. Pagkatapos na ibaba nito ang phone ay
matigas ang mukhang hinarap si Ernesto ngunit
lagpas sa mga balikat nito ang tingin ng officer.
“Let’s go, men.”
Mabilis na kumilos ang mga militar para bumalik
sa sasakyan.
Hindi inaalis ni Ernesto ang titig sa officer.
“At least, say something to the old woman.” wika
ni Ernesto.
Lumapit ang military officer sa mama ni Jourdan
na kino-comfort ni Aleli, ang abogada,
“I’m very sorry Mrs. Duhaylungsod. There must be
some kind of mistake.” Nag-aalangang sabi ng
officer.
Nanginginig na tumayo ang matanda. Isang sampal
and dumapo sa mukha ng military officer.
“So much training for a gentleman!”angil ng
matanda.
Namumulang umalis ang officer.
Ilang anasang pag-uusap ang nangyari na hindi ko
mawari. Napansin kong kalmado na ang mama ni
Jourdan. Iniabot ko sa kanya ang pitaka, kwintas
na hindi pa ipinapanganak ang alahero at ang
isang gusot na propaganda paper.
Agad na kinuha niya sa kamay ko ang papel.
Isinilid ito nang mabilis sa bulsa. Ang kwintas
ay iniabot kay Aleli. Hinawakan nito ang pitaka.
Bahagya lamang itong binuklat at muling isinara.
Ibinalik sa palad ko, habang ipit ko ng mga palad
ko ang pitaka at ipit rin ang mga palad ko ng mg
palad ng mama niya sabi nito sa akin:
“Sa kanya mo iyan ibigay paggising niya. Mangako
ka sa akin Miguel, hihintayin nating magising si
Jourdan sa pagkakahimbing. Mangako ka.”
Tumango ako. Nahuli ang sagot.
“Opo.”
Mariin niya akong pinisil. Sumilay ang ngiti sa
pisngi nito at niyakap ako. Impit lang pero
parang may sinabi siya habang nasa balikat ko ang
ulo ng matanda.
“You and my son are so much alike by nature.” Nag
reverberate iyon sa isipan ko ng kung ilang
beses.
Umeksena si Mitch. Pinalalabas na ang mga
kamag-anak para ihanda ang pasyente for life
support nito para sa pag-airlift sa kanya.
“Not so fast.” Si Mitch hila na naman ako pabalik
sa kwarto.
“Bakit na naman ba?”
“Have sometime with him.”
“Akala ko ba kailangang i-prepare yan?”
“Kiyeme lang.” Nanduro. “Last chance mo na
marahil ito to see him. Malay natin may milagro
ka.”
Lumabas si Mitch at bago isinara ang pinto ay
narinig ko ang mga katagang “ten minutes.”
Parang pelikula. Iyon ang unang pumasok sa isip
ko. Totoo. Unti-unti akong lumapit sa kama.
Unti-unting nagrehistro sa aking pandinig ang
respirator na nakakabit sa kanya. May butas ang
kanyang lalamunan. Nakasemento and kanang paa.
May plaster sa kaliwang rib part na likha ng
isang malaking sugat at nakabenda ang kanyang
ulo. Bahagyang nakangiwi ang kanyang bibig gawa
ng intubation .
Ngayon ko lamang napagmasdan ang buong mukha ni
Jourdan dahil nang una ko siyang nakita, puno ng
dugo ang kanyang mukha. Ewan ko, pero naisip ko,
nang makita ko ang kanyang mukha, kung pelikula
ito sa utak ko kanina ngayon naman ay biglang
nawala ang mga kamera at mga ilaw. Ang tanging
maliwanag lamang ay ang kanyang mukha. Dalawang
malalaking nunal sa kaliwang pisngi na naka-mapa
patungo sa sentido, matangos ang ilong, may
bahagyang gapang ng manipis na bigote at balbas.
Maga ang mukha ngunit tila isa siyang taong
matagal ko ng kilala.
Plinano kong kausapin ang sarili ko sa halip na
siya. Hindi ako makahanap ng salita. Sige na
nga. Kausapin ko na siya. Free speech na to!
Hooo!
“Hi, Jourdan. Pasensya ka na. Late yata ang
aksyon ko para dugtungan iyang buhay mo. Kita mo
nakarespirator ka at binubuhay lamang ng life
support system . Kung walang pera ang pamilya mo,
walong araw na lang tapos na ang pasiyam mo. Alam
ko, parehas natin sasang ayunan ang disesyong
kabitan ka ng respirator kahit hindi kita
kaano-ano. Dahil sabi mo sa akin nang lapitan
kita sa gitna ng kalsada habang hablot mo ang
t-shirt ko at on bloodbath ka, “kung sino ka man
saiyo ko iniaasa ang buhay ko. Ayoko pang
mamatay.” E sino ka ba para magdemand sa akin ng
ganoon? Hindi naman ako powerful para dugtungan
iyang buhay mo. Pero naisip ko, paano kung sa
napakaraming pagkakataon, kahit hindi ko alam,
ikaw pala ang dahilan kung bakit pinamanahan ako
ng isang island na worth 200 million? Hay,
dadalhin ka nila sa Maynila para dumaan sa mas
kumplikadong pagsusuring medikal. Nasa akin ang
pitaka mo. Sabi ng mama mo, ako mismo ang
magbigay nito sa iyo paggising mo. Sabi ng mama
mo parehas ka naming hihintaying magising.
Pangako, dadalawin kita sa St. Luke’s. Huwag lang
madalas, ha? Huwag kang demanding. I also have a
life to live on. Sige ha, padating na ang bruha
ng ten minutes.”
“Ten minutes!” Bumulaga ang malapad na mukha ni
Mitch sa siwang ng pinto.
Kinindatan ko si Jourdan. Pinisil ang palad.
“Sabi saiyo eh, kung fairytale ‘to at ikaw ang
shining armor samantalang ako naman ang so-
much-alike-by-nature-mo na princess, may witch na
tayo! Baliktarin mo lang ang w at siguradong
kilalang kilala siya ng manood ng pelikula
natin.”
“Nga pala, bakla ako. Pero, hindi ako
crossdresser.”
“I said ten minutes is over!”
“Oo na.Witch.”
“May broom stick ba ako, ha? Meron ba ha? ha?”
Halos dumikit na ang mukha nito sa akin.
“Wala.”
“Wala pala eh.”
“Wala kasi lahat bali pag-ginagamit mo sa
paglipad.”
“Ganon?”
“Ganon.”
Pumasok na ang mga hospital at doktor na
mag-aassist sa pag-airlift.
Paalaman.
Sabi ni Ernesto sa akin: “We’ll keep you posted.”
Sabi ni Aleli: “See us in St. Luke’s when you
have the time.”
Sabi ni Dr. Marcus: “You’ve done so much.”
Sabi ng mama niya: “Hintayin mo siyang
magising.”
Sabi ni Tita Luz: “Marami akong ipapaliwanag sa
iyo.”
Ilaw ng tahanan?
Nasulyapan ko si Jourdan nakangiwi ang bibig sa
nakakabit na intubator habang umaangat ang
helicopter na para bang sinasabi nitong “ayokong
umalis ng Bikol. Ayokong malayo kay Miguel.”
“Ilusyonada!” Sabay batok sa ulo ko. Si Mitch na
mahilig magbasa ng iniisip ko. Hindi ko pinansin.
Ayokong patunayan sa kanya na tama na naman ang
iniisip niya. Nanatili akong nakatingala habang
papalayo na ang helicopter.
“Hoy! Ano bang drama mo at nakatangad ka pa
riyan?”
“Naisip ko lang. Ang witch kayang laging
nababalian ng broom stick ay maaring naka-
helicopter?”
“Miguel!!! Grrr…!”
“ O, huwag magagalit. Magmumukha kang bulldog.
Uwi muna ako sa bahay. Kailangan ko rin naman ng
tulog. Like what I said to Jourdan, I have a life
to live on.”
Humahabol pa rin si Mitch para makaganti. Tiyempo
may pumaradang dyip papuntang Concepcion Grande
mabilis akong nakasakay.
Sa sobrang dami ng pangyayari nang nakaraang araw
ay bahagya akong nagpaubaya sa banayad na ihip ng
hangin. Ipinikit ko ang aking mga ang mata. Bigla
akong naalimpungatan nang marinig ko ang tatlong
babaing nagdidiskusyon tungkol sa 4Ps ni
Pangulong Noynoy at ang nag-aaway na magsyotang
tomboy sa dyip. Lumingon ako bigla sa hulihan.
Dilat na dilat. Biglang pumasok sa frame ng
aking vision ang mukha ng motorista, si Jourdan
kasunod ang isa pang motorsiklo na ang sakay ay
naglabas ng baril at itinutok sa ginigitgit na
sina Jourdan. Mga militar ang gumigitgit sa
kanila.
Isang putok ang umalingawngaw.
Wakas
(Nasa ibang buhay ang karugtong.)